Petilla: Dapat Dagdagan ang Pangil ng Anti Money Laundering Law

Dapat Dagdagan ang Pangil ng Anti Money Laundering Law

Sa gitna ng pagpapatuloy ng senate probe hinggil sa $81 million money laundering scam, nananawagan si LP Senatorial Candidate Jericho Petilla sa gubyerno na dagdagan pa ng pangil ang Anti-Money Laundering Law para masugpo ang illegal na aktibidad na ito.

Ayon sa initial na imbestigasyon na isinasagawa ng Blue Ribbon Committee, lumalabas na ang RCBC Jupiter Branch ay ginamit na storing ground para sa $81million na perang ninakaw sa isang account sa Bangladesh Bank sa New York ng mga di pa nakikilalang hackers. Dalawang matataas na opisyal ng RCBC ang sinasabing kasabwat ng mga hackers.

Ayon kay Petilla, na isang IT expert at dating Computer Programmer, naniniwala siya na hindi mangyayari ang hacking kung walang kasabwat sa bangko. Dagdag pa niya na dapat mas mataas ang parusa sa mga opisyal o empleyado ng bangko na masasangkot at mahahatulan ng paglabag sa Anti- Money Laundering Law. Dapat din umano na may mataas na accountability at mga sanctions ang mga bangko kung mapapatunayan na may katiwalian ang opisyal o empleyado nito.

Sa ganitong paraan ayon kay Petilla ay magdadalawang isip ang mga opisyal at empleyado ng mga bangko na maging kasabwat ng mga hacker o iba pang nagnanais na magsagawa ng mga money laundering activities.

Sakaling mahalal na Senador, isusulong ng dating Energy Secretary ang mga amendment sa Anti Money Laundering Law para magkaruon ito ng mas malakas na pangil.