Petilla: Dapat may pondo ang gobyerno para sa magsasaka lalo na ngayong El Niño

Dapat may pondo ang gobyerno para sa magsasaka lalo na ngayong El Niño

Ayon kay LP Senatorial Candidate Jericho Petilla ay ikinalulungkot nya ang mga balita tungkol sa karahasan na nangyari sa rally ng mga magsasaka sa Kidapawan City kamakailan.

“Sa gitna ng mga panawagan sa gobyerno na imbestigahan ang insidente para matukoy kung sino ang may pananagutan sa marahas na dispersal ng rally, dapat hindi limitahan ang imbestigasyon sa mga posibleng administrative o criminal cases sa mga taong nasasangkot dito. Ang mas dapat tutukan ng ating gobyerno ay ang pag-imbestiga sa tunay na dahilan ng pag-aalsa ng mga magsasaka – ang kawalan nila ng makakain at ang hindi pagdating ng tulong na hinihingi nila sa mga kinauukulan,” ayon pa kay Petilla sa isang panayam.

“Kasabay dapat ng mga paghahanda ng gobyerno sa El Niño ay ang pag-allocate ng pondo para matulungan ang ating mga magsasaka sa mga panahong ito. Alam naman natin na ang unang unang matatamaan ng El Nino ay ang nasa sektor ng agrikultura” dagdag pa niya.

Naniniwala ang dating gobernador ng Leyte na dapat may standby fund na pwede at agarang maipapamahagi sa mga magsasaka ng mga lugar na apektado ng El Nino at ang pamamahagi ng pondo na ito ay sa pamamagitan ng mga local government units (LGU) na may sakop sa kanila. Sa ganitong paraan aniya ay mas mapapabilis ang pagdating ng tulong sa mga magsasaka at hindi na ito kailangang dumaan pa sa mahabang proceso bago ma-release ang pondo.

Sakaling mahalal bilang Senador, isusulong ni Petilla ang pagkakaruon ng sapat na pondo para sa mga magsasaka na ang layunin ay mabigyan sila ng tama at agarang tulong sa tuwing may El Nino o iba pang kalamidad. Naniniwala siya na kung maisasabatas ang panukalang ito ay hindi na magugutom ang ating mga magsasaka at maiiwasan nang mangyari ang mga insidenteng katulad sa Kidapawan City.