Ikinatuwa ni Senatorial Candidate Jericho Icot Petilla ang balita na ineendorso sya ng OFW Family Club Partylist (OFWFC).
Ang OFW Family Club ay ang partylist na nagsusulong ng mga batas para sa kapakanan ng mga OFW at mga pamilya nito. Ayon sa tala ng Manila Media Bureau ng OFWFC, ang partylist na ito ay nangunguna sa botohan ng absentee voting sa Asia, Middle East at Europe.
Ayon sa opisyal na pahayag ng OFWFC, isa si Petilla sa mga senatoriables na napili nila dahil sa kaniyang malasakit sa kapakanan ng mga OFWs at mga manggagawa.
“Ang pangunahing katangian ng mga kandidatong aming ineendorso ay ang kanilang likas na pagmamahal at malasakit hindi lamang sa mga OFW at kanilang pamilya kundi lalo na sa mga kababayang hikahos sa buhay at biktima ng kasakiman ng mga negosyante at mga walang pusong pulitiko na higit na pinapaboran ang mga masalapi kaysa mahihirap,” ayon kay Cong. Roy “RJ” Seneres Jr. na first nominee ng OFWFC.
Ayon pa sa 3-term Leyte Governor at former Energy Secretary, lubos niyang ipinagpapasalamat ang tiwala at suporta na ipinakita ng OFWFC sa kanyang senatorial bid.
Sakaling mahalal sa senado, isa sa mga isusulong ni Petilla ay ang pagkakaruon ng hiwalay na ahensiya ng gobyerno na tututok lamang sa kapakanan ng mga OFW. Aniya masyadong maraming isyu at problema ang OFW para maging isang sangay lamang sa ilalim Department of Labor and Employment o DOLE.